Tuesday, May 2, 2017

HINDI PA HULI ANG LAHAT

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na simula noong ako'y labing-anim na taong gulang pa lamang ay nagtatrabaho na ako para suportahan ang aking mga magulang at anim na nakababatang kapatid. Ako din ay medyo natuwa dahil kumikita na ako ng medyo malaki-laki kumpara sa mga ka-edad ko at ako'y nakakatulong na rin sa aking pamilya. At 16 years old, I was already working as an online freelancer. Sumusulat ako ng mga article, gumagawa ng mga websites, naging virtual assistant, at social media marketer.

Tuwing nagkakapera ako, lagi kaming lumalabas ng pamilya ko noon para kumain at bili nang bili ng mga bagay na kung tutuusin ay hindi naman kailangan. Medyo lumaki din ulo ko noong time na yun. Di ko na naisip ano kahihinatnan bukas kapag wala na ang pera.

Bigay din ako ng bigay sa mga relatives ko kapag lumalapit sila sa akin, dahil alam nga nila na medyo nakakaluwag-luwag kami. Kaya bunot lang nang bunot, hanggang sa umabot nga sa punto na naging matumal yung income ko, naging tamad sa trabaho, at ang masama pa doon, wala ako naipon ni isang kusing. Lahat kasi ng kinikita ko dumadaan lang sa bank account ko. Pinakamatagal na siguro na naka stay yung pera sa ATM ko ng dalawang araw. Usually kasi, pag alam kong may pera na, kinukuha ko kaagad lahat. Kaya nong medyo nag lie low ako, nga-nga na!

Image grabbed from lifehacker.com

Dahil nga sa hindi maayos na pag handle ng pera, naging baon kami sa utang. Tuwing sobrang kailangan na ng pera, nangungutang naman ako sa mga kakilala ko. Oo, nakakahiya, pero sobrang kailangan eh kaya nilunok ko na lang yung hiya ko. At nagpatuloy nga ang ganitong sistema hanggang 2016. Nakakapanlumong isipin.

Hanggang sa nagising ako! Salamat na rin sa PESO SENSE na Facebook page, dahil sobrang naengganyo akong baguhin ang mga financial habits ko.

Hindi ako kaagad nakapagsimulang mag-ipon noong mag-umpisa ang taong ito dahil sa iilang personal na kadahilanan. Pero ngayon ay nakakapag-ipon na ako kahit papano.


Kahit papaano naman, may kinikita pa rin ako sa awa ng Diyos. Dahil nga sa nababasa ko sa Peso Sense page, mas ginanahan akong mag-ipon at mas lalo akong nainspire sa mga saving tips ng ibang followers.

Hindi ako mukhang pera, pero hindi din po masamang paghandaan ang mga bagay-bagay na alam nating pwedeng mangyari sa hinaharap at para na rin po makaiwas sa pang-aabala sa ibang tuwing may emergency.

Ibabahagi ko po sa inyo ang mga bagay-bagay na ginawa ko para magsimulang mag-ipon. Bilang panganay, sobrang hirap pong mag-ipon kasi lahat ng mga kapatid mo sayo nakaasa eh. Pero hindi po pwedeng sanayan natin ang ating mga kapatid na palaging ganoon. Kailangan din po nilang matutong tumayo sa sarili nilang mga paa.

  • Umiwas sa mamahaling kape at soft drinks - Ito po ang una kong ginawa. Isa ho akong manginginom ng kape, pero madalang lang po ako magpaka sosyal at mag Starbucks. Pero malakas ako mag soft drinks, dati pa. So ang ginawa ko nga ay instead na mga frap coffee sa Starbucks or sa kung saan pa man, tinigilan ko na talaga ang kape at ganoon din sa soft drinks. Healthy ka na, nakapagtipid ka pa. Less expenses eh.
  • Maglakad - Nasanay ho tayong mag tricycle kapag namamalengke or kung saan man tayo magpunta, diba? Ang ginawa ko po ay maglakad lang tuwing namamalengke or kung saan man ako magpunta, kung kaya namang lakarin at hindi ka rin naman nagmamadali. Nakatipid ka na, nakapag ehersisyo ka pa.
  • Umiwas sa fast food - Ayan, ang takaw-takaw ko sa fast food kaya tumaba din ako, Totally iniwasan ko na ang kumain sa mga fast food chain. Pinush ko na rin ang sarili kong magluto ng sarili kong pagkain at minsan kapag may lakad, nagbabaon na ako ng pagkain ko para makaiwas talaga sa fast food. Nakapagtipid ka na, natuto ka pang magluto.
  • Ilista ang mga gastos - Napaka-effective nito. Kasi kapag sinusulat mo yung mga expenses mo araw-araw, kasama na dun kahit piso na pinambili mo ng yelo (ice), nati-trace mo talaga kung saan napupunta yung pera mo. At dahil nga dito, nagiging aware ka na kung alin doon sa mga pinaglaanan mo ng pera ang kailangan o hindi.
  • Maging simple - Dati mahilig talaga ako sa mga make-up at magpa mani-pedi kada linggo. Dahil na rin siguro sa pressure ng kapaligiran natin ngayon kaya nagkaganun. Pero dahil gusto kong makatipid, pinili ko maging simple. Naisip ko ang laki ng perang sinayang ko sa mga make-up na yun, sobrang mahal kaya! Okay naman maging simple. Ang saya. Di na ako nali-late sa mga lakad ko. Simpleng t-shirt at pantalon lang at nakatali na buhok ay ready to go na ako.
  • Bumili lang ng kailangan - ito lagi talaga itong present sa mga saving tips na nababasa ko, which is totoo naman. Bakit ka naman bibili ng di mo kailangan? Para makapagpasikat lang? Para mapag-usapan lang? Ako kasi, iniisip ko ng maraming beses kung kailangan ba talaga ang isang bagay bago ko bilhin. Ito ngang cellphone ko minsan nalolowbat na lang bigla kaht more than 50% pa yung battery, pero pinagtatyagaan ko muna kasi gumagana pa naman.
  • Magtrabaho ng maigi - Para magkapera ang isang tao, kailangan nito magtrabaho. Kung hindi ka magtatrabaho, saan ka kukuha ng pera para makapag-ipon? Ito tandaan niyo, huwag na huwag kayong manloko ng kapwa niyo para lang lumaki pera niyo. Isang napakalaking mali nyan sa mata ng tao at mata ng Diyos. 
  • Mag-isip ng sideline o raket para more chances of winning (source of income) - Huwag umasa sa isang trabaho lang. Kung maaari ay mag-isip ng ibang marangal na paraan para kumita. Kung kaya mong dagdagan pa ng isa ang trabaho mo, go ka lang! Kung tingin kaya mo pagsabayin ang trabaho at negosyo, go ka lang din! Habang nagtatrabaho ako online (araw at gabi), sumasideline din akong tourist guide. Nag-ooffer din ako ng printing services dito sa may amin. Documents at photos lang ha, hindi ko pa kaya ang tarpaulin printing. HAHAHAHA! Para naman may pakinabangan naman tong printer namin.
  • Mag-open ng bank account - ito ginawa ko. Isang bank account na pinagkukunan ko ng pera para sa mga gastusin, isang account naman for emergency funds na ginagalaw ko lang kapag sobrang emergency na, at isang passbook for savings na hindi ko talaga ginagalaw.
  • Huwag magdala ng pera o card kapag gumagala - Kasi for sure mate-tempt kang bumili ng kung anu-ano kapag may dala kang pera o card. Kung magogrocery naman, dalhin lang intended budget para di ka lumampas pa (at bilhin lang ang kailangan). Mas mabuti kung may dala kang listahan ng mga bagay na bibilhin mo at alam mo ang presyo ng mga iyon.
Kamakailan lang ay nag-open nga ako ng ATM savings account sa Land Bank para sa aking emergency funds. Naisip ko ang Land Bank kasi madali lang ang requirements, maliit pa ang required amount to open an account at pati na rin ang monthly maintaining balance, at makukuha mo rin ang iyong ATM right away.


Nagdedeposit ako ng pera dito everytime na may kita ako sa pagiging tour guide ko. Yung mga tip na binibigay sa akin ay diyan napupunta. Ang target ko po sa emergency fund ko ay equivalent ng apat na buwang gastos ko. Malaki-laki din yun kaya medyo mahaba-habang pag-iipon at pagkakayod pa ito, pero okay lang. Samantalang 20% naman ng kabuoang income ko ay napupunta sa passbook savings ko.

Maliit pa lamang ang aking naitabing ipon sa passbook at pati na rin ang aking emergency funds, pero okay lang at least nakapagsimula na ako. Ikaw, kailan ka pa magsisimula?

Natutuwa ako kasi ang daming pagbabago. Marunong na ako magtipid, magbudget, magluto, at higit sa lahat di na ako nangungutang sa kung sinu-sino at marunong na rin akong humindi sa mga taong humihinge ng pabor na alam ko namang kayang-kaya nilang kumita ng pera at lalo pa't walang kakwenta-kwentang bagay lang din ang paggagamitan ng pera. Hindi kaya madaling kitain ang pera.

Tumutulong pa din naman ako paminsan-minsan, pero kapag alam kong sa maayos ang patutungohan ng pera at lalo na kapag kalusugan na ang pinag-uusapan. Alam ko din naman ang pakiramdam ng walang-wala kaya tumutulong ako sa abot ng aking makakaya. 

Sana po ay kapulotan ninyo ito ng aral. Salamat sa pagbabasa! :)

No comments: