Wednesday, June 6, 2018

Nahihirapan Pero Lumalaban

Ang tagal ko na palang hindi nakakapagsulat dito. Ewan ko ba, wala talaga akong ganang magsulat nitong nakaraan. Ang dami kong planong isulat pero pag sinusubukan ko nang magsulat, parang bulang naglalaho lang ang mga saloobin na gusto kong isulat.

Nahihirapan na ako sa buhay ko. Ang dami-dami kong problema, ang dami-daming trahedya ang nangyayari sa pamilya ko. Pero kahit pa ganoon ay pilit pa rin akong nagpapakatatag para sa pamilya ko. Lumalaban kahit lugmok na lugmok na.

Ngingiti-ngiti ako sa harap nila, pero pag ako nalang mag-isa, nag-uunahan sa pagdaloy ang aking mga luha.


Ang hirap-hirap! Hindi ako makapag-reklamo kasi alam ko na ako lang din ang pinaghuhugutan ng lakas ng pamilya ko. Alam niyo iyong pakiramdam na gusto mong sumigaw, mag wala, pero hindi mo magawa?

Ilang ulit ko nang naiisip na huminto na at sumuko sa buhay, pero di ko magawa. Kasi alam ko ang buhay ko ay hindi lang para sa akin. May mga umaasa sa akin. Mas pinapahalagahan ko pa ang mga pangangailangan nila kaysa sa mga pansarili kong pangangailangan. Ayos lang, basta masaya sila, masaya na rin ako.

Lumalaban ako kasi kailangan. Lumalaban kasi iyon ang dapat. Lumalaban ako para sa mga mahal ko sa buhay. Pero ang tanong, may lumalaban din para sa akin?

Hindi naman ako humihingi ng kahit anong kapalit sa kung sinuman, pero napakasarap siguro sa pakiramdam na may nagpapahalaga sa'yo. Alam ko naman na importante  ako sa pamilya ko, pero hindi ko maramdaman. Iyon yung nakakapanghina eh. Pero sige lang, ganyan talaga ang buhay. Kailan nga ba naging patas ito?

Pasensya na, isang malungkot na entry na naman ang aking naisulat. Kahit papaano, sana ay maganda ang araw ninyo.

No comments: