Sunday, December 4, 2016

Ang Sarap sa Pakiramdam

Sabi ng ibang tao, hindi daw biro ang responsibilidad na dala-dala ko sa murang edad pa lang. Nginingitian ko lang. Pero minsan, masarap sa pakiramdam na merong pumupuri sa mga nagawa at ginagawa mo. Naranasan niyo na ba yun?


Pero nitong mga nakaraang araw, may nadiskubre ako. May mas sasarap pa pala sa pakiramdam nang pinupuri ka. Mas masarap sa pakiramdam ang magbigay sa kapwa mo at makatulong sa kanila kahit papano.

Hindi ako mayaman. Marami akong utang (at hindi ko itatanggi yan). Pero nong nangailangan ang kaibigan ko ng tulong-pinansyal, hindi ako nagdalawang-isip na mag-abot ng kunting halaga. Sapat lang ang pera ko noong araw na iyon, at alam ko na mangangailangan din ako sa mga susunod na araw pero binalewala ko iyon. Alam ko kasi ang pakiramdam nang nasa ganoong sitwasyon, yung pakiramdam mong walang-wala ka na, wala ka ng madukot sa bulsa, pakiramdam mo di mo na kaya. Kaya kahit na sapat lang ang pera ko, nagbigay ako at hindi na ako naghangad na mabayaran pa. Pamasko ko na iyon sa kaibigan ko.

Nong makita ko ang galak sa mukha sa kaibigan ko, doon pa lang bayad na siya. Napakagaan ng pakiramdam ko noong araw na iyon. Ang saya-saya ko. Hindi ko maipaliwanag.

Nagpapasalamat din ako sa mga kaibigan ko (virtual man o sa totoong buhay), kasi tinulongan at pinagkatiwalaan nila ako sa mga panahong walang-wala ako. Napakalaking bagay non para sa akin. Maraming-maraming salamat po mula sa kaibuturan ng aking puso. Nawa’y pagpalain pa kayo ng Panginoon at nawa’y hindi kayo magsawang magbigay ng tulong sa kaninumang nangangailangan nito.

1 comment:

Maria Teresa Figuerres said...

Indeed, one derives true happiness when he/she does something good for others. May you be blessed a thousandfold for your good heart.