Sunday, January 22, 2017

Mga Takot Ko Ngayong 2017

Isang buwan na rin pala ang nakalipas mula noong huli kong post sa blog na ito. Medyo wala akong gana na magsulat nitong nakaraan, pero babawi ako. Isa kasi sa mga goals sa taong ito ay maging mas aktibo na sa mga blogs ko. 

Marami akong gustong magawa at makamit sa taong 2017, pero marami ring takot na kaakibat ang mga ito.


Ito ang ilan sa mga ikinakatakot ko:
Baka mas tumaba pa ako. Nag-eehersisyo na ako ngayon. Lakad at takbo araw-araw at balanced diet na rin, pero parang walang nangyayari. Isa ito sa mga side effects ng PCOS. Imbalanced kasi ang hormones ko at polycystic pa. Nagbi-birth control pills din ako para maging regular ang aking regla. Sabi naman ng doktor ko, wag daw panghinaan ng loob. Kahit pa ba wala daw akong makitang resulta ay maging aktibo pa rin dahil consistency is the key. Sa ngayon kasi ang timbang ko ay 72 kilograms samantalang  60 kilograms lang ako dati. Minsan nakakapanghina ng loob ang kawalan ng resulta.

Baka sumuko na laptop ko. Ilang taon na din itong laptop ko sa mga kamay ko. May mga nararamdaman na siya na ipinaparamdam niya sa akin. Hindi ko pa kayang bitawan siya at bumili ng bago (dahil hindi pa ready ang naipon ko). Pag nagkataon, mawawalan ako ng kabuhayan. Sa laptop at sa internet lang ako umaasa.

Baka masanay na akong hindi siya kinakausap. Ako ay may kasintahan. Oo, hindi ako nagbibiro. Magdadalawang taon na nga eh. Kaso... magkalayo kami. Nasa bansang Amerika siya at ako naman, andito sa aking lupang sinilangan. Noong una halos araw-araw kaming nag-uusap, hindi nauubusan ng kwento sa bawat isa. Pero nitong huli, nararamdaman kong masyado na kaming busy. Hindi na magkatagpo ang mga skedyul namin at parang nagkakalayo na ang mga damdamin namin (o baka napapraning lang ako). Mahal ko siya at sabi naman niya mahal niya ako, kaso sa sobrang tagal na hindi kami magkasama tapos ngayon bihira na kaming magkausap, takot ako na baka isang araw bigla na lang mauwi sa wala ang lahat na pinagsamahan namin dahil pareho na kaming nasanay sa ganito. 

Ipinagdarasal ko pa rin na sana maging maayos ang lahat sa taong ito. At kung hindi man, baka ito talaga ang kaloob ng Diyos sa akin. Ang hiling ko lang ay panatilihin Niya akong malakas at handang lumaban.

No comments: