Sunday, April 3, 2016

Kung Hindi Ka Na Masaya, Bumitiw Ka Na!

Habang nakikinig ako sa awitin ni Jay R na Sa Isip Ko, hindi ko mapigilang maisip ang sitwasyon ng isa kong kaibigan. Ibinabahagi ko kasi sa kanya ang mga pangyayari sa buhay ko, siya naman ay ganoon din sa akin.

Sa kanyang pahintulot, ibabahagi ko dati ang kanyang pinagdadaanan. Isang tao na ang relasyon nila ng kanyang nobyo, at noong nakaraang buwan ay nagkalayo sila dahil kailangan ng kaibigan kong maghanapbuhay sa malayo. Pero simula noong nagkalayo na sila, panay na ang di pagkakasundo nila. Halos araw- araw na yung away nila. Tinanong ko siya minsan kung ano ba ang dahilan... sabi naman niya panay daw selos ng nobyo niya kahit wala namang katutoran. Kahit na mga pinsan niyang lalaki (na kasama niya sa trabaho) ay pinagseselosan din nito. Napaka-insecure din umano ng kanyang nobyo.

Photo grabbed from longdistancerelationships.net

Tinanong ko rin siya kung may dapat bang pag-selosan ang nobyo niya, ang sagot naman niya ay wala. Mahal na mahal daw niya ang lalaki pero nasasaktan siya sa kawalan ng tiwala nito sa kanya. Sabi niya hindi na rin siya masaya, pero nanghihinayang siya sa isang taon na pinagsamahan nila.

Yung awitin ni Jay R na Sa Isip Ko ay malamang na tugmang-tugma sa nararamdaman ng nobyo ng kaibigan ko.

Hindi lang siguro nito naiintindihan na minsan kapag nag-uusap silang dalawa at mukhang walang gana ang kaibigan ko sa pag-uusap nila ay pagod lang ito at wala ng iba pang dahilan

Ang gusto din kasi ng nobyo niya ay doon na lang siya sa probinsiya pero hindi sapat ang kinikita niya doon para tulongan ang kaniyang mga magulang kaya nga niya naisipang umalis kahit ayaw niya. Sana naman daw ay maintindihan ito ng kanyang nobyo.

Alam ko, medyo harsh ang pamagat sa ito, pero sa isip ko kasi kung hindi ka na masaya sa isang relasyon at ramdam mong nakakasakal na ito, aba kaibigan, umalis ka na. Huwag mong ikulong ang sarili mo dahil lang nanghihinayang ka sa isang taon ninyo kung ang kapalit naman pala nito ay hinanakit at kalungkotan

Hindi ba't give and take ang isang relasyon? Hindi pwede iyang ikaw na lang palagi ang umiintindi... hindi na healthy iyang pati pinsan mo ay pinagseselosan na niya.

Pero wala sa akin ang desisyon. Nasa sa iyo ang desisyon kung papalayain mo ba ang sarili mo o patuloy sa pagdurusa sa sakit na dulot ng mga pagbibintang niya sa iyo na walang katuturan.

Halata ba na hindi ko gusto ang lalaki na iyon para sa kaibigan ko? Una pa lang kasi, di ko na siya feel. Gusto niya palagi lang sila magkasama, pero paano yan eh wala naman siyang trabaho. Kung may trabaho lang sana siya kahit papano ay ayos lang. Isa din kasi sa ikinababahala ng kaibigan ko ang kawalan ng trabaho ng nobyo niya. Napag-uusapan na din umano nila ang pag-aasawa, pero walang ginagawa ang lalaki sa buhay niya kundi nakaasa lamang sa kanyang mga magulang. Ang gusto lang naman ng kaibigan ko ay makapag-ipon para sa kinabukasan niya/nila, at kahit papaano ay makapagbigay din sa mga magulang niya.

Haaaay! Sumasakit ang ulo ko dito. Pero sana lang kung ano man ang maging desisyon ng kaibigan ko ay maging masaya siya.

No comments: