Matagal-tagal na rin pala ang huling entry ko sa blog na ito. Na-miss kong mag sulat. Ang daming nangyari...
Sinimulan ko ang blog na ito para magkaroon ako ng outlet kung saan pwede kong isulat ang mga bagay-bagay, suhestiyon na rin ito ng namayapa kong Briton na amo. Sabi niya, therapeutic daw ito. Totoo naman.
Ang bata-bata ko pa... Natatawa at nahihiya ako sa mga naisulat ko dito. Kung anu-ano nalang pala talaga. 🤣
Nabanggit ko nga na ang daming nangyari sa buhay ko nitong mga nakaraang taon. Alam ko kayo din, lalo na nitong nakalipas na tatlong taon.
Ilang taon na ring hiwalay ang mga magulang ko. Malalaki na rin ang mga kapatid ko. May mga nakapagtapos na nga ng pag-aaral nitong taon lang. Ang bunso namin ay magsi-16 na sa susunod na buwan. Napakabilis ng oras... di mo namamalayan ang paglipas nito.
Sa mga nakakakilala sa akin, alam nilang matagal na akong nagtatrabaho para sa isang tao o kompanya na pagmamay-ari ng isang British national. Masasabi kong siya ang guardian angel ko. Siya ang nag guide at humubog sa akin. Hindi ko siya ka anu-ano, pero sobra pa sa kadugo ang pinakita niyang pagmamahal at pagmamalasakit sa akin at sa pamilya ko.
Tinuro niya sa akin ang lahat ng alam niya. Hindi ko alam kung ano ako ngayon kung hindi ko siya nakilala noon.
Sa kasagsagan ng Covid, nagka-stroke siya at na paralyze ang kalahit ng katawan niya. At makalipas nga ang ilang buwan matapos niyang ma survive ang stroke, ay inatake naman siya sa puso. Sa kasawiang-palad ay binawian siya agad ng buhay.
Sobrang sakit! Para akong nawalan ng pangalawang ama. Kahit di pa kami nagkita sa personal, pero yung impact niya sa buhay ko ay sobra-sobra. Utang ko sa kanya kung ano at saan ako ngayon sa buhay ko. Kung hindi ko siya nakilala, baka matagal na akong sumuko.
Siya yung taong palaging nagpapalakas ng loob ko. Pinapagsabihan niya ako kung kinakailangan, gaya ng isang ama talaga.
Nakakalungkot din na hindi na niya naabutang makapagtapos ng kolehiyo ang mga kapatid ko at pati na rin ang sariling anak niya. Sobrang laki ng tulong niya sa buhay ko, sa buhay namin.
Andyan siya nong nawasak ang pamilya namin. Andyan siya nong nawawalan na ako ng pag-asa. Andyan siya para tulongan akong tumayo. Andyan siya para ipaglaban ako.
Andy... kulang ang salitang salamat sa lahat ng nagawa mo sa buhay ko. Masakit pa rin kahit mahigit isang taon nang nakalipas nong pumanaw ka. Araw-araw pa rin kitang iniisip. Nami-miss ko na ang mga sermon at pang-iinis mo sa akin.
Sobrang hirap pala noh? Grabe pala yung pagtitiis mo sa akin sa trabaho. Pero kahit pasaway ako, hindi mo ko sinukoan. Habang ako ngayon, sukong-suko na... pero naiisip kita kaya patuloy pa rin ako. Kakayanin kong gampanan tong responsibilidad na ibinilin mo sa akin.
Maraming-maraming salamat sa lahat. Salamat po, Panginoon, sa buhay niya na pinahiram niyo sa amin.
Mahal na mahal ka namin.
No comments:
Post a Comment