Naaalala mo pa ba ang mga panahong wala pa ang digital camera? Mga panahong kailangan mo pang maghanap ng isang litratista o di naman kaya ay kailangan mo pang pumunta sa estudyo ng isang litratista para magpakuha lamang ng litrato? Kung inyo pang naaalala, tuwing mga espesyal na okasyon lamang tayo nagpapakuha ng litrato, hindi ba?
Kung ating iisipin, napakapayak ng ating pamumuhay noon. Kontento sa mga bagay-bagay. Dati, kailangan pa nating maghintay ng ilang araw para makuha ang ating mga litrato galing sa litratista. Pero ngayon? Mabilis pa sa alas-kuatro, kung gugustohin, ayan na agad-agad ang iyong inaasam na litrato. Kung dati ay inilalagay pa natin sa photo album ang mga litrato, ngayon naman, sa Facebook o Instagram na natin inilalagay.
Nami-miss ko lang ang mga panahong natataranta ka kapag sinabing magpapa-kodak kayo. Kailangan, maganda ang pagkakaayos ng iyong buhok, maganda ang iyong ngiti. Naaalala ko pa nga noong nagtapos ako ng elementarya, isang shot lang ang ipinakuha ng aking ina sa litratista kasi mahal daw ang singil nito. Iilan lang din ang litrato ko noong bata. Kung dati meron kayong camera, aba'y sikat na kayo sa buong barangay. Hahaha. Halos lahat na yata ng kapitbahay mo ay manghihiram sa inyo ng camera tuwing may okasyon.
Kung meron kayong camera dati, iilang kuha lang meron kayo kasi nga limitado lamang ang bawat film. Ngayon, limitado rin naman ang mga memory card pero higit na mas malaki ang limit ng mga ito kaysa sa mga film noon.
Nakakatwang isipin na nalampasan na natin ang panahong iyon. Napakaswerte ng henerasyong ito, dahil halos lahat ng bagay sa panahon nila ay instant na.
Kung ako lang ang papipiliin, mas gusto ko ang nakaraan. Tahimik, masaya, napakaayos ng kapaligiran kahit walang mga matatayog na mga gusali.
Kahit anong henerasyon pa man siguro ako naisilang, ang gagawin ko na lamang ay gawing makabuluhan ang bawat araw ng aking buhay.
No comments:
Post a Comment